Higit P6.7 milyong 'pekeng' yosi nakumpiska sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 07:59 PM

Aabot ng P6.7 milyon ang halaga ng nasamsam na pekeng sigarilyo sa pitong warehouse sa Davao City, Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Nasa 7,000 kahon ng umano'y smuggled o pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng Crime Investigation and Detection Group sa pagsakalay nila sa 7 warehouse sa Davao City, Miyerkoles ng umaga. 

Nagpositibo sa isinagawang halos isang buwan na surveillance at test buy ang naturang mga warehouse, na sinalakay sa bisa ng search warrant. 

Ikinasa ang operasyon nang ireklamo ng isang tobacco company ang paglaganap ng umano'y pekeng sigarilyo. 

Natagpuan sa mga warehouse ang mga sigarilyo, na ibinebenta umano ng Chinese national na kinilalang si Leo Lee Sy.

Bukod sa peke ang ibinebentang sigarilyo ay nadiskubre umano sa business permit ni Sy na nagbebenta lamang ito ng mga auto parts.

Tinatayang aabot sa P6.7 milyon ang street value ng nakuhang sigarilyo kung saan P3 milyon ang estimated excise tax na nawala sa kita ng gobyerno. 

Ihaharap si Sy sa kasong paglabag ng Intellectual Property Code of the Philippines. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.