Balikbayan negatibo sa MERS-CoV

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 10:23 PM

Nagnegatibo sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang isang pasyenteng nauna nang pinaghinalaang nahawahan ng naturang sakit, ayon sa Department of Health (DOH).

Isinugod nitong umaga ng Miyerkoles sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa mula Laguna ang naturang pasyente matapos paghinalaang mayroon siyang MERS-CoV.

Ang pasyente ay isang 47 anyos na lalaking overseas Filipino worker (OFW) mula Riyadh, Saudi Arabia, na dumating sa Pilipinas noong Pebrero 14, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.

Unang isinugod ang lalaki sa Laguna Doctors Hospital matapos makaranas ng matinding pag-ubo at hirap sa paghinga, ilan sa mga sintomas ng MERS-CoV.

Nagsagawa naman ng disinfection sa emergency room ng Laguna Doctors Hospital pero balik-normal din agad ang operasyon nito.

Ilan pa sa mga sintomas ng MERS-CoV ang pagkakaroon ng lagnat at pamamaga ng lalamunan, ayon sa DOH. Puwede ring sintomas ang fatigue o mabilis na pagkaramdam ng pagod, pananakit ng ulo, chills o panginginig, pagsusuka at pagtatae. 

-- Ulat ni Raphael Bosano at Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.