PatrolPH

5 rifle grenade natagpuan sa basurahan sa Iloilo City

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 12:43 PM

5 rifle grenade natagpuan sa basurahan sa Iloilo City 1
Bitbit ng kasapi ng bomb squad ang kartong naglalaman ng limang rifle grenade na itinapon sa basurahan sa Iloilo City. Nony Basco, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Limang rifle grenade na nakasilid sa isang kahon ang natagpuan sa isang basurahan dito sa siyudad, Miyerkoles ng umaga.
 
Mabilis na rumesponde ang Explosives Ordnance Division ng Iloilo City Police Office sa Barangay Mabolo-Delgado para ma-secure ang rifle grenades na nadiskubre ni Barangay Tanod Jun Guintabao.

Ayon sa tanod, pagitan ng alas-4 hanggang alas-9 ng umaga posibleng itinapon ang mga pampasabog.

Bukod dito, may nakita ring flare ang bomb squad sa loob ng karton. 

Nasa loob pa ng case ang mga granada kaya paniwala ng EOD na walang intensyon na pasabugin ang mga ito.

Military-issued grenade ang mga nakitang explosibo kaya inaalam ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.