5 patay sa forest fire sa Benguet

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 09:36 PM

Limang bangkay ang natagpuan ng Bureau of Fire Protection sa nasunog na gubat na bahagi ng Philex Mining Corporation sa Barangay Ampucao, Itogon, Benguet nitong Miyerkoles.

Ayon kay Benguet Acting Fire Marshal Chief Insp. Nestor Gorio, apat sa mga ito ay foresters ng Department of Environment and Natural Resources habang ang isa naman ay residente sa barangay.

“Siguro sinubukan nilang mag-firefighting,” ani Gorio.

Posible umanong hindi nila kinaya ang makapal na usok at na-suffocate ang mga biktima.

Naiulat ang sunog ala-1:30 ng hapon at naideklara itong under control alas-6 ng gabi.

Nahirapan daw ang mga bombero na apulahin ang sunog dahil malakas ang apoy at masukal ang gubat.

Inaalam pa ang sanhi ng apoy na tumupok sa anim na ektaryang bahagi ng gubat. Karamihan sa mga tanim dito ay pine trees.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.