3 'tulak', 4 user timbog sa Bacoor drug ops

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 07:54 PM | Updated as of Feb 21 2019 12:09 AM

Pito ang arestado sa magkakasunod na operasyon kontra droga sa Bacoor, Cavite. 

Unang hinuli sa gitna ng kalsada sa Barangay Niog 1 ang 13 anyos na si alyas "Kimpoy" na target ng buy-bust operation. 

Sa video na kuha ng mga pulis, nauwi pa sa habulan at sigawan ang pagkakaaresto kay Kimpoy matapos siyang tumakas sakay ng bisikleta nang malamang pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nang mahuli, dito na isinuplong ni Kimpoy ang iba pa niyang mga kasama sa negosyong droga.

Watch more in iWantTFC

Sa eskinita malapit lang sa isang highway ay natimbog naman ng mga pulis ang mga kasabwat ni Kimpoy na sina Joel Bravo at Rodel Estorias.

Nasa P40,000 halaga ng shabu ang nakuha sa kanila.

Pag-amin ng mga suspek, sila ang nagsu-supply ng droga sa isang drug den sa Bacoor. 

Sa follow-up operation, nilusob ng mga pulis ang nasabing drug den na binabagsakan umano nila Kimpoy. Doon naaktuhan na gumagamit ng droga ang apat na indibidwal.

Ayon sa Bacoor police, kasama sa kanilang mga "street level target" sina Kimpoy, Bravo, at Estorias.

"Ang modus ay nilalako niya through bisikleta. Ayaw magbenta ng alanganing oras pag gabi dahil hindi ma-sure kung sino ang katransaksiyon. Laging tanghaling tapat at sa gitna ng daan ang abutan nila," sabi ni Superintendent Vicente Cabatingan.

Nagsisilbi naman daw watcher o spotter ni Kimpoy sina Bravo at Estorias.

Samantala, mga dayo lang umano sa lugar ang apat na naaktuhan sa loob ng drug den.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga naaresto, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.