Sugatang hiker, nailigtas sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 08:23 PM | Updated as of Sep 30 2018 09:11 AM

Nailigtas ang isang hiker na nahulog sa isang bahagi ng kabundukan sa Barangay Manalpac sa bayan ng Solsona, Ilocos Norte, Linggo. 

Kinilala ang hiker na si Jay Espinas, 32, mula sa Quezon City, at empleyado ng ABS-CBN Corp, partikular sa iWant TV Division.

Ayon sa hepe ng Solsona Police Station na si Chief Insp. Gerardo Antonio, Sabado ng hapon nang nakatanggap sila ng tawag mula sa isa sa mga kasamahan ni Espinas na nahulog ito mula sa may tinatayang 100-metrong taas na bahagi ng kabundukan at nagpagulong-gulong pababa.

Pababa sina Espinas sa Mount Sicapoo, isa sa mga pinakamataas na bundok sa Luzon na paboritong puntahan ng mga hiker.

Agad rumesponde sa lugar and mga pulis at ilang local rescue team tulad ng Municipal Health Unit at Bureau of Fire Protection.

Tatlong oras bago narating ang pinangyarihan ng insidente. Mahirap ang daan dahil mabato, matarik, at kailangang dumaan sa ilog kaya nagpatulong ang mga pulis para i-airlift ang biktima.

Nagtamo umano ang biktima ng matinding sugat sa ulo at ilang bahagi ng katawan, at kung ibababa ay baka mas lumala ang kondisyon nito.

Nitong Linggo ng hapon, sa tulong ng ipinadalang private chopper ng ABS-CBN Corp, tagumpay namang nai-alis at naibiyahe si Espinas papunta sa isang ospital sa Metro Manila.

Ayon kay Espinas, hindi niya maalala ang eksaktong nangyari sa kaniya matapos siyang mahulog.

“I can't remember, I think I fell at least 150 feet. Now I am better apart from my headache and some bruises on my face, but I feel I am better," ani Espinas.

Kasama ni Espinas ang apat pang hiker na pare-parehong miyembro ng Akyat Bundok Society.

Kuwento ng isa sa mga kasama nitong hiker na si Ronald Rodil, nadulas hanggang sa nahulog sa bangin si Espinas.

“Nadulas siya, may natapakan siyang bato tapos na-slide po siya eh, mga ano po ‘yun mga almost 90 degrees ‘yung bangin so dire-diretso po ang bagsak niya. Thirty minutes po namin siyang hinanap sa ibaba," sabi ni Rodil.

Bago pa umakyat ang grupo, nagparehistro ang mga ito sa Solsona Police Station bilang bahagi na rin ng panuntunan ng lokal na pamahalaan sa mga hiker para na rin sa kanilang kaligtasan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.