SAPUL SA CCTV: 'Solicitation' modus sa Bulacan at Rizal

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 11:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabiktima ang ilang mga tindahan sa Bulacan at Rizal ng isang lalaking nagpapanggap na magso-solicit para sa liga umano ng basketball. 

Nakuhanan sa CCTV ang pagpasok sa isang salon ng isang lalaki nitong Lunes, bandang alas-2 ng hapon sa Marilao, Bulacan.

Dala ang ilang papel, kinausap ng suspek ang staff ng salon, at nanghihingi ng solicitation para sa liga umano ng basketball sa kanilang lugar.

Nagcha-charge noon ng cellphone ang staff na si Sophie Padilla.

Kalaunan, tinakpan ng lalaki ang cellphone gamit ang papel, at saka ito binitbit paalis. 
    
Napansin ng staff ang nangyaring pagnanakaw, pero mabilis nakatakas ang lalaki sakay ng motorsiklo.

Sa kalapit na bayan sa Bocaue noong Pebrero 9, dumating sa tapat ng isang tindahan ng damit ang lalaking angkas ng motorsiklo.
    
Pumasok ito sa loob na may dala ulit na solicitation letter.
    
Gaya ng naunang insidente, pasimpleng inipit ng lalake sa mga papel ang cellphone ng tindera, saka umalis kasama ang kasabwat.

Ayon kay Yen Lopez, tindera ng mga damit, ito rin ang parehas na lalaking nambiktima sa salon.

Pero hindi lang sa Bulacan umatake ang mga suspek. Umabot din sila sa Rizal at ginawa ang parehong modus.

Sa isang tindahan sa Angono noong Pebrero 12, pumasok ang lalaki hawak ulit ang solicitation letter. Lumapit ang suspek sa front desk kung saan kita ang nakapatong na cellphone. 
    
Tinakpan niya ito ng papel at saka kinuha.

Sa clinic sa Tanay noon ding Pebrero 12, nakatutok pa ang CCTV sa cellphone na makailang-ulit sinubukang ipitin ng suspek.

Sa isa namang tindahan sa Cainta noong parehong araw, matagumpay na nakuha ng suspek ang cellphone ng isang staff na walang kamalay-malay.

Kinakalap na ng pulisya ang mga impormasyon sa mga suspek.
    
Nagpaalala rin ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging alerto tungkol sa mga modus ng kawatan.

"'Yung mga solicitation, especially, tinitignan muna natin 'yan, at saka dapat may mga clearance galing sa barangay po 'yan," ani Superintendent Jowen Cibu dela Cruz ng Bocaue PNP.

Pinahintulutan ng PNP na ipakita ang mukha ng lalaki para maging babala sa publiko, at mahikayat ang iba pang naging biktima na magreklamo.
    
--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.