SAPUL SA CCTV: 2 'dayo,' nanggulo sa padasal, nakipagrambol

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 09:51 PM | Updated as of Feb 20 2018 11:01 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang rambol sa pagitan ng dalawang grupo ng mga lalaki sa gitna ng pagdarasal ng mga residente sa Project 3, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV ng Molave Street sa Barangay Duyan-duyan, Project 3 noong Sabado ng gabi, makikitang abala ang ilang residente sa pagdarasal sa imahen ng Poong Nazareno sa may gilid ng kalsada.

Biglang may dumating na dalawang lalaki na lumapit sa grupo ng mga residenteng nakapuwesto malapit sa imahen.

Sa sumunod na eksena, bigla na lang nagkagulo at humantong sa rambol.

May isang nakitang may iwinasiwas na patalim habang ang isa naman ay nakuhanang may ibinato sa isang grupo.

Agad nakatakas ang dalawang salarin.

Ayon sa mga testigo, nagpapadasal sila nang namataan ang dalawang dayo na itinuturo nilang nagsimula ng gulo.

"May paparating na tao diyan, 'pag tingin ko, bumunot siya ng kutsilyo tapos ... nagkarambola na sila," kuwento ng testigong si Alberto Gloria.

Ayon naman sa mga opisyal ng barangay, isa ang nasugatan sa nasabing rambol.

Nag-ugat ang gulo dahil umano sa hindi magandang pagtitinginan ng mga sangkot.

"May nag-iinuman doon sa gilid ng Nazareno tapos may dumating na isang grupo na lasing din. Ayun, nagkatinginan, 'di maganda, binigyan ng kahulugan," anang barangay captain na si Caloy De Mesa.

Inaalam na ng ilang biktima ang pagkakakilanlan ng mga nanggulo sa kanila para makapagsampa ng kaukulang kaso.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.