Rappler reporter, bawal sa loob ng Malacanang

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 10:26 PM | Updated as of Sep 05 2019 04:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagbawalan ang reporter ng online news outfit na Rappler na pumasok sa Malacañang para mag-cover ng mga event ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aberya ang sumalubong sa Palace reporter ng Rappler na si Pia Ranada nitong Martes pagdating sa New Executive Building (NEB) ng Malacañang compound, ilang minuto bago mag-alas-11 ng umaga.

Magko-cover sana si Ranada ng press briefing pero sa gate pa lang ay hinarang na siya ng isang opisyal ng Presidential Security Group (PSG). 

"Pinakita ko 'yong ID ko tapos sabi niya (PSG), 'Hindi po kayo puwede pumasok today talaga,' tapos tinanong ko if the instruction is just for me, sabi niya 'opo, sa inyo lang po,'" kuwento ni Ranada.

"Tinanong ko saan galing iyong orders, sabi niya sa itaas," dagdag ni Ranada.

Nilinaw naman ng media affairs office ng Palasyo na maaaring mag-cover si Ranada sa NEB, kung saan naroon ang press office, pero bawal umano siyang pumasok sa loob mismo ng Palasyo kung saan karaniwang nagdaraos ng event ang Pangulo.

Sinubukan ni Ranada na i-cover ang event ng Federation of Indian Chamber of Commerce sa Rizal Hall ng Malacañang pero kalaunan ay pinalabas ito kasama ang ilang tauhan ng PSG.

Kamakailan ay binawi ng Securities and Exchange Commission ang incorporation papers ng Rappler dahil sa paglabag nito sa probisyon sa Saligang Batas na naglilimita sa pagmamay-ari ng banyaga sa isang media outlet sa bansa.

Hinihintay pa ng Rappler ang desisyon ng Court of Appeals sa ginawang pagbawi ng SEC sa incorporation papers nito.

Sa mensahe ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra kay Ranada, sinabi nitong hanggang walang temporary restraining order (TRO) na inilalabas ang korte sa desisyon ng SEC ay maituturing na walang bisa ang accreditation ng Rappler sa Malacañang Press Corps.

Hindi rin umano maaaring mag-cover ang Rappler ng mga pangyayari sa Palasyo.

"They keep saying that they respect press freedom and we have this incident. Kumbaga parang prior restraint na ito," ani Ranada.

Galing mismo sa Pangulo

Ayon kay Undersecretary Jhopee Avanceña, ang pinuno ng internal affairs office ng Palasyo, si Pangulong Duterte mismo ang nagbigay ng utos na limitahan ang kilos ng Rappler.

Ibinigay umano ng Pangulo ang utos habang nag-uusap sila noong Lunes ng gabi tungkol sa fake news.

Kamakailan ay naglabas ng ulat ang Rappler hinggil sa umano ay pakikialam ni Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go sa pagbili ng combat management system para sa mga barkong pandigma.

Tinanggi ni Go ang mga umano ay pakikialam sa isang pagdinig sa Senado noong Lunes.

Nitong Martes, naging mainit ang argumento nina Ranada at Presidential Spokesperson Harry Roque ukol sa artikulo kay Go.

"Will it be the policy of Malacañang to bar reporters who publish unsavory reports?" tanong ni Ranada sa press briefing.

"No, I don't think the issue is unsavory reporting. The issue is fake news," tugon naman ni Roque.

"You know your story failed when the most interested party in this controversy ... belied your claim of intervention. That's why Malacañang said fake news," dagdag ni Roque.

Panggigipit?

Sa kabila ng ban sa Rappler, patuloy umano itong iko-cover ni Ranada sa pamamagitan ng ibang paraan tulad ng live-streaming.

Sa isang pahayag nanawagan ang Rappler sa Malacañang na huwag gamitin ang kapangyarihan nito para harangin ang anumang impormasyon at manggipit.

Iginiit ng Rappler na hindi maaaring kanselahin ang kanilang media accreditation batay lang sa desisyon ng SEC.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.