Pulis, patay nang mabaril ng drug personality sa operasyon

Donna Lavares, ABS CBN News

Posted at Feb 20 2018 10:42 AM | Updated as of Feb 20 2018 11:15 AM

Hinihinalang shabu, mga baril at granada ang nasamsam ng awtoridad sa napatay na high value target na si Jovilio Franza. Nabaril at napatay din ni Franza ang isang pulis na kasama sa buy bust operation, Lunes ng gabi, Pebrero 19, 2018, sa Minglanilla, Cebu. Donna Lavares, ABS-CBN News

Namatay ang isang pulis matapos mabaril ng target na drug personality sa ikinasang buy-bust operation, Lunes ng gabi sa Minglanilla, Cebu.

Dead on arrival na sa pagamutan si PO2 Evie Espina dahil sa tama ng bala sa ulo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa awtoridad, nagsagawa sila ng buy-bust operation laban sa high-value target na si Jovilio Franza sa Barangay Tulay. Nakatakbo umano si Franza at nagkabarilan at naputukan si Espina.

Nabaril at napatay din ng awtoridad si Franza habang nakatakas ang live-in partner nitong si Evangeline Brione.

Humingi naman ng tawad sa pamilya ni Espina ang hepe ng Minglanilla police na si Police Chief Inspector Vernino Noserale sa pangyayari.

Aniya, pananagutan nito ang nangyari bilang kanilang team leader.

Nakuha sa bahay ni Franza ang 38 gramo ng hinihinalang shabu, pera, 2 baril at isang granada.

Iniimbestigahan pa ngayon ng awtoridad ang kanyang koneksyon sa droga at supplier.

Walong taon ding nagserbisyo sa Minganilla Police si Espina at nag-aantay na lang ng order para sa kanyang promosyon bilang PO3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.