Protesta ikinakasa bilang paggunita sa EDSA People Power

Joyce Balancio at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 10:52 AM | Updated as of Feb 20 2018 02:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - May ikinakasang mga kilos-protesta ang iba't ibang militanteng grupo sa Sabado, bisperas ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power.

Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, ito'y sa kabila ng anila'y pananabotahe at pag-atake umano sa ilang miyembro ng mga makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Reyes, sesentro ang mga rally na kanilang gagawin sa pagtutol sa charter change at ang maituturing umanong diktadurang iniimplementa ng administrasyong Duterte.

Pagkakataon rin aniya ito para maiprotesta ng mga militanteng grupo ang sinasabing lumalalang paglabag sa karapatang pantao sa panahon ngayon.

Nationwide ang kilos-protesta na ikinakasa sa Biyernes, samantalang sa People Power Monument naman gagawin ng grupo ang protesta, kasama ang mga grupong kontra sa Cha-Cha, sa Sabado.

Nakahanda naman sa mga ilulunsad na protesta ang National Capital Region Police Office na maglalagay ng 1,500 pulis upang magbantay sa rally.

Sa kabila nito, tinitiyak ni NCRPO Director Oscar Albayalde na kanilang rerespetuhin ang karapatan ng mga magpoprotesta at paiiralin din nila ang maximum tolerance sa rally.

Pero ang babala ni Albayalde, oras na maging bayolente ang mga militante, agad aarestuhin ang mga ito kasama ang kanilang mga pinuno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.