Pag-aresto sa mga 'bastos' na motorista, pinag-iisipan na

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 06:21 PM

Pinag-aaralan na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mang-aresto ng mga motoristang mambabastos sa mga traffic constable. 

"Pinag-aaralan na namin na mang-aresto na ang mga traffic constable. Ang pinagkaiba naman, dapat may coordination sa Philippine National Police (PNP). Mahaba-haba pa ang process pero 'yun na ang nasa table natin," ani Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA. 

Ito'y matapos kumalat ang iba't ibang video na nagpapakita ng kawalang-galang sa mga hanay ng MMDA. 

Kabilang na rito ang babaeng angkas ng motor na nag-"beast mode" sa mga MMDA matapos masita sa hindi pagsuot ng helmet, dahil ginamit ng babae ang helmet bilang basket ng ulam. 

Aminado ang MMDA na malaki ang naitulong ng video bilang ebidensiya sa ginawang pambabastos ng babae. 

Dahil dito, target na nilang mabigyan ng body camera ang nasa 1,000 traffic constable ng ahensiya.

"If maka-encounter kami ng bayolenteng motorista, may puntong magkakasakitan, so makikita sino talaga ang nanakit...Lagi kaming nababaliktad, kapag isang story lang naririnig sa social media," giit ni Pialago.

Bilang proteksiyon naman sa mga traffic constable, nagbigay ng baton sa unang batch ng mga babaeng enforcers. Ani Pialago, pauna pa lamang ito at marami pang inihain na training ang MMDA para sa kanilang hanay. 

"Physical enduring, training at psychological examination. Kasama 'yun sa paghahandaan natin," ani Pialago. 

Sa pagtatapos ng second quarter, target na makompleto ang mga kailangang baton habang bago matapos ang 2018 naman inaasahan maabot ang target na bilang ng body cam sa lahat ng mga traffic constable. 

--Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News