NFA kinontra ang sariling tagapagsalita sa P27/kilo bigas

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 08:01 PM | Updated as of Sep 05 2019 04:54 PM

Watch more in iWantTFC

Naglabas ng paglilinaw ang National Food Authority (NFA) sa naunang sinabi ng mismong tagapagsalita nito ukol sa posibilidad na mawala sa merkado ang P27 kada kilong NFA rice.

Sa panayam sa "Umagang Kay Ganda" nitong Martes, sinabi ni NFA spokesman Rex Estoperez na pinag-aaralan ng ahensiya na taasan ang buying price ng bigas, o ang halaga ng pagbili nito mula mismo sa mga magsasaka.

Ayon kay Estoperez, kung tataasan ang buying price at ang magiging subsidyo ng NFA para patuloy na maibenta ang murang NFA rice, maaari umanong magresulta ito sa pagtaas naman ng presyo ng P27 kada kilo na NFA rice.

"There was a proposal last year na taasan ang buying price, from P17 to P22, may inflationary effect naman ito," ayon kay Estoperez. 

Sa isang pahayag, sinabi ni NFA administrator Jason Aquino na personal lang iyong opinyon ni Estoperez. 

Ani Aquino, anumang pagbabago sa presyo ng NFA rice o pag-alis ng anumang klase nito sa merkado ay kailangang dumaan din muna sa konseho ng ahensiya.

“Our P27/kg and P32/kg rice will be back in the markets as soon as supply is available," ani Aquino. 

(Muling mabibili ang P24/kilo at P32/kilong NFA rice oras na magkaroon ng supply.) 

Sinabi rin naman ni Estoperez na sa ngayo'y walang plano ang NFA na tanggalin sa merkado ang P27 kada kilong bigas.

Gayunman, pansamantala aniyang mawawala sa merkado ang murang NFA rice habang hinihintay ang inangkat na 250,000 metriko toneladang bigas.

May prayoridad kasi ang NFA para sa kanilang natitirang imbentaryo na 1.1 million bag ng bigas.

"So, sa P27 [na bigas] natin ngayon, 'yun po ang priority natin, mga victims ng kalamidad, mayroon tayong island, provinces, meron tayong [National Disaster Risk Reduction and Management Council], relief institutions, 'yan lang muna ang ating priority. All others, pamilihang bayan, wala muna," ani Estoperez.

Sa Hunyo nakatakdang dumating ang inangkat na 250,000 metriko toneladang bigas, ngunit ayon kay Estoperez, hanggang sa katapusan ng Marso na lamang magtatagal ang kanilang natitirang bigas.

"Pagkatapos ng 2 buwan, July 1 naman lean months natin, so talagang hirap na hirap tayo ngayon kung papa'no natin punuan 'yung vacuum ng April, May," aniya.

Kung tuluyang mawawalan ng supply ng NFA rice, inaasahan na ni Estoperez ang pagtaas ng presyo ng mga commercial rice.

"Alam naman natin tataas 'yan, may psychological warfare 'yan, 'pag alam nilang wala kang panangga, tataasan nila presyo," sinabi ni Estoperez. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.