Lalaking wanted sa kasong murder, arestado sa Calatagan, Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 09:07 PM

Arestado sa isang operasyon Martes ang isang lalaking wanted sa pagpatay sa Calatagan, Batangas.

Nasakote si Periano Salanguit sa paghahain ng warrant of arrest sa kaniyang tirahan sa Barangay Lucsuhin sa bayan ng Calatagan.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat na umuuwi si Salanguit sa bahay nito sa kabila ng kaniyang pagtatago.

"Ayon po sa aming intel[ligence] operatives na mayroon pong na-receive na information na umuuwi po siya sa kanilang bahay... Medyo mailap dahil may kaso po siyang murder dati kaya nagtatago po," paliwanag ni PO1 Dave Laurence Coz.

May warrant of arrest si Salanguit dahil sa umano'y pagkakasangkot nito sa pagpatay sa isang kainuman noong Setyembre 2017.

"Habang nag-iinuman po sila, sinampal po siya ng kainuman niya tapos mga after 20 minutes, bumalik, binaril na po 'yung kaniyang kainuman," ani Coz.

Ayon naman kay Salanguit, dinepensahan lamang niya ang kaniyang sarili dahil muntik na siyang saksakin ng nasabing kainuman.

"Hinihingi ko ho ng kapatawaran ang nagawa kong ito sa kaniyang asawa, sa kaniyang anak, hinihingi ko ang kanilang pang-unawa at ipinararating ko lang din sa lahat, kaya ko lang nagawa ito ay ipinagtanggol ko lamang ang aking sarili," aniya.

Walang kaukulang piyansa ang kasong murder na kinakaharap ni Salanguit. Mananatili siya sa kustodiya ng Calatagan Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.