Lalaking nagdala ng mga baril sa istasyon ng LRT, arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 05:01 PM

Arestado ang isang lalaki sa Maynila matapos mahuling may dalang apat na baril sa Blumentritt station ng LRT-1 nitong Martes ng umaga.

Hinuli ng Manila police bandang alas-6 ng umaga ang 39 anyos na si Juan Celso matapos matuklasan sa inspeksiyon na may lamang apat na 9 millimeter na pistol ang kahong dala niya.

Ayon kay Celso, napag-utusan lang siyang ipadala ang pakete sa kaniyang amo.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang iba pang sangkot sa insidente at kung para saan ang mga baril na dala ni Celso dahil wala rin umanong mga permit ang mga ito.

Nahaharap si Celso sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.