'Huwag makipag-areglo': Mga motorista, pinag-iingat sa 'talakbu' modus

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 09:46 AM | Updated as of Sep 27 2018 06:25 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang mga motorista sa bagong modus kung saan sadyang nagpapabangga sa sasakyan ang isang naglalako ng taho para makapaningil ng pera.

Ayon kay Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP, mistulang marami nang gumagaya sa modus na "Talakbu" o "taho-lako-bundol" sa Metro Manila, at maging sa ilang lugar sa probinsiya.

"Dahil natutunan nila na puwede pala silang kumita sa ganitong pamamaraan, ginagaya na ng iba nating kababayan," sabi ni Bulalacao sa DZMM.

Bagama't marami nang nahuhuli sa CCTV, wala pang nakakasuhan sa ganitong modus dahil karamihan umano sa mga biktima ay nakikipag-areglo na lamang.

"Huwag na huwag makikipag-areglo," payo ng opisyal.

"Don't give in to the demands for settlement. Kadalasan, modus lang ito para kumita itong mga kababayan nating may masamang balak."

Nakikiusap rin ang pulisya sa mga biktima na magsampa ng reklamo upang mahabol ang mga nasa likod ng ganitong modus at hindi na makapambiktima pa ng iba,

Nitong Sabado, isang magtataho ang umano'y sadyang nagpabangga sa SUV sa Tondo. Imbes na magpatakbo sa ospital, nanghingi na lang ito ng pera sa motorista.

Noong nakarang linggo at maging noong nagdaang Disyembre, may ganitong klaseng insidente ring nakunan ng video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.