'Gulay para sa Albay': Benguet traders nag-ambag-ambag para sa Mayon evacuees

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 05:58 PM | Updated as of Sep 28 2018 02:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit 1,000 kilo ng sayote at patatas ang ido-donate ng mga vegetable trader sa La Trinidad, Benguet para sa mga apektado ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. 

Sayote at patatas ang pinili nilang ipadala dahil matagal umano itong masira kumpara sa ibang gulay.
    
"Inisip po namin na iyong mga taga-dito sa aming north na nagtra-transport ng gulay sa ibang lugar, handa po kaming tumulong kahit na kaunti kaysa iyong wala," ani Chief Inspector Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station. 

"Ngayon iyong mga hindi makapagbigay ng ganitong gulay, nag-solicit kami ng cash, bumili na lang kami para madagdagan," dagdag ni Filomena Kinawag, presidente Bagsakan Municipal Cluster Vegetable Dealers Association.

Sumatotal, nasa 1,000 kilo ng sayote at mahigit 300 kilo ng patatas ang nakolekta ng mga vegetable dealer.

Tuwing may sakuna sa ibang lugar sa Pilipinas, nakaugalian na nilang mag-ambag-ambag para makapagbigay ng tulong.

Bukod sa gulay, nagpabaon din sila ng dasal para sa libu-libong nagtitiis sa evacuation centers.

"Sana palagi silang manalangin sa Diyos para huminto na iyong bulkan na iyon para bumalik sila sa tahanan nila," hiling ni Daniel Canacio, isang vegetable trader.

Ipadadala ngayong linggo ang mga naipong gulay para sa Albay.

--Ulat ni Melinda Ramo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.