DENR naghain ng show cause order sa mga resort, hotel sa Boracay forestland

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 06:48 PM | Updated as of Feb 20 2018 07:04 PM

Nagka-tensiyon Martes nang harangin ng guwardiya ng isang estate sa Boracay ang mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources na nag-isyu ng show cause order laban sa mga resort at hotel na sumasakop sa 400 ektarya ng forestland ng isla. Nony Basco, ABS-CBN News


Sinampolan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga malalaking hotel at resort sa Boracay Island na nagtayo ng kanilang mga istruktura sa bahagi ng forestland.

Ito'y bilang bahagi ng patuloy na paglilinis sa tanyag na isla, na nauna nang pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging "cesspool" dahil sa hindi maayos na sewage system. 

Matagal nang nakatayo at nago-operate ang isang high-end resort sa gitna at bulubunduking bahagi ng Boracay Island.

Sa loob nito matatagpuan ang malawak na golf course na halos napalilibutan ng kagubatan.

Martes ng umaga, inisyuhan ng DENR ng show cause order ang resort dahil sa pagsakop ng access road nito sa forestland ng Boracay. 

Pero hindi muna pinirmahan ng management ng resort ang show cause order. Anila, hindi umano maliwanag sa survey ng DENR kung saang bahagi ng resort ang tinutukoy na encroachment. 

Nangako ang management na aayusin ang problema kasama ang DENR. Hindi na rin muna sila nagbigay ng opisyal na pahayag.

Wala pang isang taon mula nang itinayo naman ang isa pang malaking hotel sa Mt. Luho, ang pinakamataas na bahagi ng Boracay. Patuloy pa ang konstruksyon sa gusali na nakatungtong sa tuktok ng bundok. 

Ayon sa DENR, sinakop din ng hotel ang ilang bahagi ng 400 ektarya na forestland ng Boracay kaya may show cause order din para sa resort. Pero walang humarap sa DENR.

Nagkaroon naman ng kaunting tensiyon nang harangin ng isang guwardiya ang mga kawani ng DENR sa pagpasok nila sa isang estate sa isla. Kinalaunan ay pinapasok din ang grupo nang pumagitna ang mga pulis. 

Maging doon ay bigo rin ang DENR na maisilbi ang show cause order dahil tulog daw ang may-ari.

Kasambahay naman ng dayuhang Hapon na may-ari ng malaki ring residential building sa Sitio Bulabog ang humarap sa DENR. Ipinaliwanag na lang sa kaniya ang laman ng show cause order.

Sa siyam na malalaking establisimyento na iisyuhan ng show cause order Martes sa Barangay Balabag, isang hotel lamang ang pumirma sa kautusan. 

Pero paliwanag ng manager nito, kumpleto sila sa dokumento na nagpapatunay na pagmamay-ari nila ang lupang kinatatayuan ng kanilang hotel.

Aminado naman ang mga opisyal ng barangay na dati ay puro gubat ang kinatatayuan ng mga istruktura. Hindi rin daw sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga okupante.

Samantala, dalawa pang resort sa Barangay Balabag ang inisyuhan ng notice of violation ng DENR Environmental Management Bureau at local government unit matapos madiskubre na nagtatapon ng kanilang dumi sa drainage canal ng isla.

Isa pang linya mula sa septic tank ang nahukay ng mga kawani ng LGU sa isinagawang random inspection sa sewerage line ng mga establisimyento sa Boracay. 

Sasampahan ng kasong paglabag sa Clean Water Act ang mga nahuling may illegal connection sa drainage system ng Boracay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.