Crane bumagsak sa C5; Trapiko at kuryente, apektado

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 04:14 PM | Updated as of Sep 04 2019 05:33 PM

Bumagsak ang isang crane sa gitna ng northbound lane ng C5 Road, sa may bahagi ng C5 toll plaza nitong hapon ng Martes.

Pasado alas-2 ng hapon nang bumigay ang isang pader na nagsilbing harang sa mga equipment ng F.F. Cruz, na contractor ng isang flyover project sa lugar.

Pagbigay ng pader ay sabay bumigay ang lupa kaya bumagsak ang crane.

Nagdulot ang insidente ng matinding trapiko at pagkawala ng kuryente sa lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Paliwanag ng F.F. Cruz, aksidente ang nangyari at hindi nila inaasahang bibigay ang pader at lupa.

"Nung magmaniobra po sana 'yong equipment namin, 'di inaasahang bumigay 'yong lupang kinatutungtungan," sabi ni Rene Gallardo, inhenyero mula sa F.F. Cruz.

Agad isinara ang kalsada pero binuksan din ang isang lane bago mag-alas-5 ng hapon matapos maalis ang crane sa gitna ng kalye.

Pansamantala ring pinutol ng Meralco ang linya ng kuryente mula C5 Toll Plaza hanggang sa may Libingan ng mga Bayani matapos tamaan ng crane ang mga kawad ng kuryente.

Hinihintay munang maayos ang lahat ng kawad ng kuryente bago buksan ang buong northbound lane. 

Tumukod ang pagsisikip ng trapiko hanggang sa Bicutan.

Natamaan ang isang flatbed trailer pero wala namang tinamong injury ang driver. 

Walang naiulat na motoristang nadisgrasya sa insidente.

Humingi ang kompanya ng pasensiya mula sa mga naapektuhang motorista.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.