ALAMIN: Kasong puwedeng isampa vs 'talakbu' scammer

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 06:47 PM | Updated as of Sep 28 2018 04:58 PM

Sa balita, sunod-sunod ang insidente ng isang bagong modus kung saan sadyang nagpapabundol sa sasakyan ang isang naglalako ng taho para makapaningil ng pera.

Ang pinakahuling naitalang insidente ay noong Sabado, nang tila nabangga ng isang SUV ang lalaking nagtitinda ng taho sa Tondo, Maynila.

Ngunit ano nga ba ang puwedeng isampa sa taong gumawa ng modus na "talakbu" o "taho-lako-bundol"? Ito ang tinalakay sa programang "Usapang de Campanilla" nitong Lunes. 

Ayon kay Atty. Claire Castro, maaaring sampahan ng kasong 'swindling' ang isang taong mapapatunayang sadyang nagpabangga para makapanloko.

"Madalas na nating pag-usapan itong estafa, swindling. Kaya lang, may kanya-kanyang lebel ng panloloko. Pero 'yung mga panloloko na hindi papasok dun sa Article 315 ng Revised Penal Code, basta anong klase ng panloloko...papasok siya do'n sa other deceits," ani Castro.

"Although mas mababa 'yung level niya, at 'yung penalty niya, pero swindling pa rin siya. 'Yun 'yung sa kategorya ng Article 318 na other deceits," dagdag ng abogado.

Maaari rin umanong maharap sa 6 na buwang pagkakakulong at pagmultahin ng hindi lalampas sa P200 ang "talakbu" scammer, ayon kay Castro.

Bukod sa kulong at multa, pwede rin umanong manghingi ng danyos ang biktima dahil sa pagkagambala ng oras.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.