3 teenager patay sa salpukan ng van, motorsiklo

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 09:00 AM | Updated as of Sep 27 2018 08:02 PM

Rod Bolivar, ABS-CBN News

MANILA - Patay ang 3 teenager na sakay ng motorsiklo matapos banggain ng isang van sa Manolo Fortich, Bukidnon Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jumel Colao, 18; kapatid na si Juceryl, 19; at kaibigan na si Jerry Alay, 15. 

Ayon sa nanay ng magkapatid na si Millie Colao, papauwi na ang mga biktima matapos sunduin ni Jumel ang kanyang ate sa trabaho.

Sa imbestigasyon ng pulis, nag-overtake ang van sa sinusundan nitong bus ngunit hindi napansin ng drayber na mayroon palang kasalubong na tricycle sa kabilang lane.

Nakaiwas ang van sa tricycle, pero sumalpok sa kasunod na motorsiklo. 

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Mula Davao City ang van at papunta sanang Cagayan de Oro.

“Mabilis talaga ang takbo ng van dahil mula sa point of impact, nakaladkad pa ng van ang motor ng 50 metro," ayon kay SPO1 Larry Eco ng Manolo Fortich Municipal Police Station.

"Mula naman sa kung saan huminto ang van, natapon pa ng 14 na metro ang motor," dagdag ni Eco.

Sa Police Station 6 sa Cagayan de Oro na sumuko ang drayber ng van.

Rod Bolivar, ABS-CBN News

“Hindi ko tatakbuhan ang aking pananagutan sa insidente,” aniya.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property ang drayber ng van.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.