MAYNILA - Nakaligtas ang isang 22-anyos na estudyante nang biglang humarurot at bumangga sa kanya ang isang SUV sa isang parking lot sa Parañaque.
Ayon sa traffic investigator ng Parañaque City Police Station Traffic Vehicular Investigation Unit, Sabado ng tanghali, habang sakay ng motorsiklo sa parking lot biglang umusad ang isang SUV mula sa kanyang pagkaka-park. Tumama ang SUV sa nagmo-motorsiklo, tumama pa sa kaharap nitong sasakyan at tila parang na-sandwich ang ang rider.
Ayon sa Parañaque City Police Station Traffic Vehicular Investigation Unit, nagtamo ng minor injuries ang rider.
"Nakatalon ang driver ng motorsiklo,” paliwanag ni Police Master Sergeant Michael Loneza, Investigator, Parañaque City Police Station Traffic Vehicular Investigation Unit.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, sumakay ang driver ng SUV at pag-start umano ng sasakyan ay “umarangkada” ito kaya tinamaan ang nagmo-motor, at isa pang sasakyan.
Pero naniniwala si Loneza na ang kasalanan ay nasa driver pa rin ng umarangkadang SUV.
"Siya ang may hawak ng manibela,” sabi ni Loneza.
Sa ngayon walang kasong naisampa sa driver ng SUV.
"Nagkaroon sila ng settlement between the involved na driver at nung owner ng (SUV). Nakapaloob po doon o babayaran ang natamong damage ng mga sasakyan, inaantay po namin yung napagkasunduan nila. Kung 'di pa matutupad yan, pwede pa rin magsampa ng kaso ang kapulisan,” ayon kay Loneza.
Nagbigay naman ng paalala ang pulisya sa mga motorista.
"Ugaliin nating laging maging alerto sa sasakyan, at samahan natin ng dasal,” dagdag pa niya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.