Nakunan sa CCTV ang pagtagilid ng isang jeep sa Barangay Cupang Antipolo City, Rizal pasado alas-dos Sabado ng hapon.
Papaakyat sa isang matarik na kalye ang jeep nang dumausdos ito pababa hanggang sa tumagilid.
Lulan nito ang nasa 25 na mga estudyante, limang magulang, at isang guro.
Ayon sa driver ng jeep na si Joey Quinones, bigla siyang napapreno matapos na salubungin ng isang motorsiklo. Ngunit hindi kumagat ang preno ng jeep.
“May sumalubong sa akin na single motor, pag-apply ko ng preno magchi-change gear ako ng primera kasi paakyat yun eh ngayon eh lusot na lumusot na ang preno umatras ako para hindi na dumiresto sa baba. Kinabig ko na para bumangga dun sa pader kasi kung deretso pababa baka madali pa ang mga bata eh,” ani Quinones.
Nagtulong-tulong naman ang mga residente para madala sa ospital ang mga nasugatan. Ang ilan ay nagtamo ng gasgas at bukol.
Ayon sa guro na kasama sa aksidente, pauwi na sila mula sa isang Girls Scout event nang maganap ang aksidente.
"May bukol ang iba, may parent na namaga ang mata, may sugat ang kamay, mga bata may bukol din sa ulo," ayon sa guro na si Lisa Capangpangan.
Ang magulang naman na si Editha Dela Cruz, agad na yinakap ang dalawang kasamang anak.
“Yinakap ko po ang dalawang anak ko, tinakpan ko po sila para hindi maano,” ani Dela Cruz.
Kasama din sa mga naaksidente ang Grade 6 pupil na anak ng driver na kasama din sa mga dumalo sa pagtitipon ng mga Girl Scout.
Ayon sa principal ng eskwelahan na si Nova Silguerra, buong araw ang aktibidad ng mga bata ngayong Sabado at may permit naman ito.
“Insured naman po ang mga bata, naka membership naman po sa Girls Scout,” aniya.
Ayon sa PNP mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries ang driver ng jeep.
“Yung driver po natin makakasuhan po pagka-nagreklamo yung mga biktima 'yung mga parent nila makakasuhan po yun na reckless imprudence resulting to multiple physical injuries,” ani Police Staff Sergeant Virgilio Barril ang imbestigador sa kaso.
Pero ayon sa ilang mga magulang wala naman silang plano na magreklamo lalo’t aksidente naman ang nangyari at wala namang seryosong nasaktan sa aksidente.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.