Retrato mula kay Mark Anthony Rupa
Higit 1,000 silid-aralan ang nasira dahil sa lindol sa Masbate, sabi ngayong Linggo ng isang opisyal.
Magugunitang niyanig ng magnitude 6 na lindol ang Masbate noong Huwebes, na sinundan ng mga aftershock.
Base sa naitalang inisyal na datos, 59 na ang mga malubhang nasirang silid-aralan, 235 ang mga partially major o bahagyang nasira, at 773 naman ang partially minor na nasira.
Ang karamihan na hindi na maaaring gamitin na silid-aralan ay nasa bayan ng Batuan kung saan may 5 nasira, at 14 sa San Fernando dahil ito ang mga silid-aralan na malapit sa epicenter ng lindol.
Ayon kay Mark Anthony Rupa mula sa Schools Division Officer-Masbate, puwedeng mag-modular learning ang mga estudyante kapag matinding pinsala ang tinamo ng kanilang silid-aralan.
Nasa 2 team naman ng Office of Civil Defense ang nag-ikot sa Masbate para makita ang mga sira sa gusali doon.
Samantala, dahil wala na gaanong malalakas na aftershocks, maaari na umanong magpatuloy ang klase sa mga hindi apektadong mga bayan.
— Ulat ni Aireen Perol
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.