Nagdaos nitong Pebrero 19, 2023 ng final testing at sealing ng vote counting machines ang Commission on Elections para sa special elections ng 7th district ng Cavite sa darating na Pebrero 25. Michael Delizo, ABS-CBN News
Isinagawa ngayong Linggo ang final testing at sealing ng mga vote counting machine na gagamitin sa special election sa Cavite sa Pebrero 25.
Pinangunahan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang inspeksiyon sa testing sa Amaya Elementary School sa Tanza.
Ilang beses nagkaroon ng paper jam sa makina, na mismong naranasan din ni Garcia nang bumoto siya.
Pero nilinaw ni Garcia na minor glitch lang ang paper jam at walang epekto ito sa bilang ng boto.
"Sinubukan po natin ‘yung iba’t ibang klaseng pamamaraan ng pagboto. May nagsulat pa ng drawings, ‘yung iba hindi bumoto, ‘yung iba naman ay bumoto ng lahat ng mga pangalan. At lahat po ‘yun, nakita ng ating makina," ani Garcia.
"Ang pinaka-importante po doon, kahit nagka-paper jam, kapag nag-print ang vote counting machine ng resibo, naka-reflect pa rin kung sino ‘yung binoto," dagdag niya.
Nasa 426 vote counting machines ang gagamitin sa 75 voting centers sa mga bayan ng Amadeo, Indang, Tanza, at lungsod ng Trece Martires.
Pagbobotohan sa Pebrero 25 ang magiging kinatawan sa Kamara ng ika-7 distrito ng Cavite, na nabakante matapos italagang kalihim ng Department of Justice si Jesus Crispin Remulla.
Kandidato ang anak ni Remulla na si Crispin Diego o “Ping” na nagsilbi ring board member ng distrito, at tumatakbo sa ilalim ng National Unity Party.
Kalaban niya sina dating Trece Martires Mayor Melencio "Jun" De Sagun, at independent candidates Jose Angelito Aguinaldo at Michael Angelo Santos.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.