Dalawa ang patay habang 20 ang sugatan matapos magkarambola ang 14 sasakyan sa national highway sa Calamba City, Laguna noong Sabado.
Sa ulat ng Calamba police, nagsimula ang karambola nang mawalan ng preno ang isang mixer truck at inararo ang 3 kasalubong na sasakyan at 10 iba pang nasa unahan nito bandang alas-5 ng hapon.
Ang mga apektadong sasakyan ay kinabibilangan ng 4 na kotse, isang suv, 3 van, 2 pampasaherong jeepney at 3 tricycle.
Kabilang sa mga nasawi ang 2 babaeng pasahero ng isa sa mga tricycle, ayon kay Lt. Col. Melanie Martinez, hepe ng Calamba police.
Kritikal din umano ang lagay ng 3 nadamay sa aksidente.
Ayon sa imbestigasyon, matapos mawalan ng preno ang mixer truck, lumihis ito ng linya patungo sa mga kasalubong at unang sinalpok ang kasalubong na isang kotse.
Nagpatuloy pa sa pagtakbo ang truck ang sinagasa ang iba pang mga nasa unahang sasakyan na nagsulot ng pagkakarambola.
Nasa kustodiya ng Calamba police ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to properties.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.
— Ulat ni Ronilo Dagos
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.