PatrolPH

Paano kapag may sunog? Marawi Bureau of Fire Protection 4 taon nang walang firetruck

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2021 05:04 PM

Paano kapag may sunog? Marawi Bureau of Fire Protection 4 taon nang walang firetruck 1

Muling humihingi ng tulong ang Taskforce Bangon Marawi at ang lokal na Bureau of Fire Protection ng lugar na mabigyan ng firetruck dahil sa kawalan nito ng gamit ng halos apat na taon.

Ayon sa mga awtoridad, sila ang napagbubuntunan ng galit at sisi ng mga residente tuwing may sunog sa lungsod. 

Dagdag pa nila, hindi sila makatulong sa pag-aapula ng apoy dahil hindi pa napalitan ang nasira nilang firetrucks noong mangyari ang siege 4 na taon na ang nakakaraan. Isang firetruck nila ang kinuha noon ng mga Maute habang tatlo naman ang kasamang nasunog ng kanilang estasyon.

Paano kapag may sunog? Marawi Bureau of Fire Protection 4 taon nang walang firetruck 2

Ayon kay Fire Officer II Japar Macabala, nabigyan na sila ng Taskforce Bangon Marawi ng bagong estasyon, ambulansya at hazmat vehicle pero hindi pa nakakarating ang apat na firetrucks na donasyon ng bansang China. 

Ilang beses na rin silang nag-follow-up nito pero wala pa ring dumarating, dagdag pa niya. 

Ayon naman kay Fire Officer II Pundoma Basir, tinutuligsa sila ng mga residente tuwing dumarating sila sa sunog na ambulansya ang dala. 

Dagdag pa niya, nahihiya na rin sila sa mga kumukuha ng business permit na nagbabayad para sa fire inspection. “Sabi nila, walang return of service,” aniya.

Fire prevention na lang ang tinututukan nila at pag-iimbestiga ng sunog habang inaasa na muna sa mga fire station ng probinsyal na pamahalaan at ibang bayan ang pagresponde.

Ayon kay Mayor Majul Gandamra, bumili na sila ng dalawang firetrucks na inaasahang darating dalawang buwan mula ngayon.

Hiling din ng mga bombero na bukod sa firetrucks, maglagay din ng fire hydrants sa lungsod. 

Anila, noon sa water district o kaya’y sa Lake Lanao pa kasi sila kumukuha ng tubig. Umaasa rin silang maipapatupad ang road clearing sa lugar dahil pahirapan sa pagresponde ng mga bombero ang masikip nilang daan.

MULA SA ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.