Mga tindero sa Commonwealth Market may 'pork holiday' muli dahil sa pagkalugi

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2021 05:06 PM

Commonwealth market nang mag-pork holiday ang mga tindero ng baboy noong Pebrero 8. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Plano ng ilang tindero ng baboy sa Commonwealth Market na tumigil muna sa pagtitinda sa Lunes dahil hindi umano nila kayang sundin ang price ceiling na ipinapatupad ngyon ng gobyerno sa presyo ng baboy sa Kamaynilaan. 

Luging-lugi na umano sila dahil nagmahal na naman ang farmgate price at sabit-ulo na bili nila sa mga supplier. 

"Makipagkaisa tayo at ipakita natin na sa kabila ng pagsunod natin sa presyo na yun, eh talagang hindi natin kaya amin nating lahat. Yung ibang market man tinatawagan ko kahapon na nakapaikot sa buong Metro Manila, sapul ng price ceiling na yan. Sila man nagbabalak din," ayon sa trader ng baboy na si Toto Rillo. 

Ipinako ng gobyerno sa P270 hanggang P300 kada kilo ang presyo ng baboy dahil sa taas presyo na dala ng kakulangan ng naturang karne na dulot ng African swine fever. 

Una nang nag-pork holiday ang mga pork vendor, at nangako ang DA noon ng suplay ng baboy mula Mindanao para matugunan ang suplay sa Luzon, partikular na sa Metro Manila. 

Nangako naman si Bon Aga, market administrator ng pamilihan na sisingilin na lang nila ng renta ang mga tindero kapag nakaluwag na ang mga ito. 

"Anong nangyari, nagkaroon ba kayo ng baboy? Bumaba ba yung presyo ng baboy? Hindi naman di ba? So bilang market administrator naiintindihan ko yung kalagayan niyo so kailangang iparating natin sa kanila na walang nangyayari," ani Aga. 

Sa datos ng Department of Agriculture, mahigit 7,000 baboy ang dumating sa Metro Manila noong Pebrero 17 na dumating sa iba’t ibang pamilihan, kabilang ang Las Piñas Market. 

Pero sabi ng palengke na wala pa silang natatanggap nang mag-umpisa ang price cap. 

"Actually hindi pa po sila nakatanggap ng galing Mindanao, so yung mga dati rin pong mga suppliers pa ang mga binebenta nila dito sa Zapote Market. Hanggang ngayon po naghihintay pa rin po kami kung kailan kami makakatanggap ng mga pork galing po ng Mindanao," ayon sa market master ng palengke na si Armand Utanes. 

Nabawasan na rin umano ang kinukuhang baboy ng mga tindero para ibenta at lumiit ang kita dahil sa price ceiling. 

Hirap ding makakuha ng baboy galing sa Department of Agicutlure kaya hiling nilang ilantad ang listahan ng mga dealer na nakakuha ng baboy. 

"Pag inilantad nila malalaman ng mga tao saan napupunta yung mga baboy, maaaring kami rin makakuha ng murang baboy, madadala namin sa mga market, kakalat,” ani Ricardo Chan, president ng Manila Meat Dealers Association. 

"Nakatanggap din ng ulat ang DA na sa ibang probinsiya dinadala ang mga baboy na dapat sana ay para sa Metro Manila. 

Dahil dito, humingi na sila ng tulong sa CIDG para bantayan ang mga baboy na dumadating sa Metro Manila mula sa daungan hanggang sa mga slaughterhouse at hanggang madala sa mga palengke. 

Pinag-aaralan na rin ng DA kung ipapatupad ang price cap sa buong Luzon. 

Pero habang wala pang desisyon, puwedeng magpatupad ng suggested retail price ang mga Local Price Coordinating Councils sa bawat lungsod o bayan.

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.