7 drug suspek timbog sa Makati at Pasay; higit P1.3 milyong halaga ng shabu nasabat

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2021 05:06 AM | Updated as of Feb 19 2021 07:31 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang 7 hinihinalang drug suspect sa magkahiwalay na operasyon sa Makati at Pasay City Huwebes.

Limang lalaki ang inaresto sa Barangay Cembo, Makati City kasunod ng buy-bust operation ng pulisya roon Huwebes ng hapon.

Target ng operasyon sa Caimito Street ang 57-taong-gulang na si alyas “Larry” na binilhan ng P500 halaga ng shabu.

Pero sa ulat ng Makati City police, nahulihan din ang 4 na kasamahan ni “Larry” ng mga sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Narekober ng mga tauhan ng station drug enforcement unit ang 11 plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 186 gramo o P1,264,800 na street value.

Sa Pasay City naman, inaresto ang dalawang 25-anyos na lalaki sa buy-bust sa Barangay 76. 

Nakipagtransaksyon ang police poseur buyer kay alyas “Wewel” sa service road ng Roxas Boulevard bandang alas-11 ng gabi.

Tinuturing ng pulis na kasabwat ni “Wewel” sa pagbebenta ng shabu ang isa pang inaresto na si alyas “Brando”.

Nakita sa pakete ng sigarilyo ang iba pa nilang hawak na sachet ng shabu na aabot ang halaga sa mahigit P82,000.

Kakasuhan ang mga suspek ng drug selling, possession, at conspiracy sa ilalim ng Dangerous Drugs Law.