PatrolPH

3 residente nasagip mula sa tumaob na bangka sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2021 04:01 PM

3 residente nasagip mula sa tumaob na bangka sa Northern Samar 1
Gamit ang lubid at floaters, hinila ng mga rescuer ang tatlo papunta sa tabing dagat. Tumaob ang bangka ng mga residente dahil sa malakas na alon. Larawan mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Laoang  

Pinagtulungang masagip ng mga rescuer ang tatlong katao matapos na tumaob ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Laoang sa Northern Samar, Biyernes ng umaga.

Ayon sa impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Laoang, nakilala ang mga nailigtas na sina Jeffrey Adora, Jenny Gueverra, at Diano Adora, pawang residente ng Barangay Cabadiangan sa nasabing bayan.

Umalis sa kanilang barangay ang tatlo at papunta sana sa poblacion para maghatid ng mga gulay. Pero pagdating sa karagatan sa bahagi ng Barangay Onay ay tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na alon.

Sinubukan ng mga rescuer ng MDRRMO na gumamit ng rubber boat para iligtas ang tatlo ngunit hindi ito umubra dahil sa malakas na alon.

Lumangoy na lamang ang mga rescuer na sina Jordan Cabagtong, Sonnyboy Lim, Leopoldo Tepace, Robert Tosing, Felix Acedera, Randy Randal Echano at Eric Monderin papunta sa tatlo.

Gamit ang lubid at floaters, hinila nila ang tatlo papuntang tabing dagat.

Umabot sa isang oras ang naging rescue operation sa tatlo.

Tumulong din sa pagrescue ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard.

Nakauwi na ang tatlong residente sa kanilang mga bahay.

Babala naman ng awtoridad na huwag maging kampante sa pagpapalaot lalo na sa ngayon na may bagyong binabantayan.

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.