Tindero, kritikal matapos barilin ng holdaper sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 05:45 AM | Updated as of Feb 19 2020 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kritikal pa rin ang kondisyon ng isang tindero na binaril Martes ng madaling araw sa Baseco, Maynila.

Ayon sa kaanak ng biktimang si Samson Bautista, nasa ospital pa rin ang kaanak nila, nakakasalita na, pero hindi na magalaw ang buong katawan. May posibilidad pa aniya na tuluyang maparalisa ang biktima. 

Minamaneho ng biktima ang tricycle na may pares mami food cart. Pauwi na sila ng kasamahan niya at paparada na sa Batang Bayani St. pero biglang may lumapit na lalaki at tinutukan siya ng baril.
 
Pilit na hinihingi ng lalaki ang bag ng biktima na may lamang pera. Ayaw ibigay ng biktima ang bag dahil kailangan niya pang i-remit ang kita sa may-ari ng food cart at dito na siya binaril ng suspek. 

Natumba ang biktima at kinuha ng suspek ang bag at tumakbo palayo. Isinugod ang biktima sa ospital at nasa kritikal na kundisyon. 

Wala pang pagkakakilanlan ang suspek at patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Ermita Police. 

Nanawagan din ang pamilya ng tulong lalu’t may tatlong anak ang biktima na naka depende sa kanya.-Ulat ni Jekki Pascual at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.