Espenido nagtataka sa pagbuhay sa 2016 ‘narco-list’

Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 11:34 PM | Updated as of Feb 20 2020 12:20 AM

Nagtataka si Police Lt. Col. Jovie Espenido kung bakit binuhay diumano ang 2016 narco-list kung saan isa siya sa 16 na mga pulis na in-exclude na ng adjudication board noong 2017.

Naniniwala si Espenido na gawa ito ng mga taong nakabangga niya.

“May mga officers na nagsabi sa akin, mayroong resolution, 2017 pa, time ni Chief Supt. Bentijar, ‘yung RD ko at that time, na siya ang nag-endorse ng resolution, nung time ni Sir Sueño sa SILG at saka sa Crame. Adjudication resolution for your exclusion na matanggal na doon sa lista. Sabi ko, ah, 2017 pa. Ang tanong ngayon, “Bakit ngayon ka lang? Bakit ngayon lang napag-usapan? Masasabi ba nating hindi nakarating? Hindi tiningnan? Ginawa na nga 2017 na ma-exclusion ang pangalan ko, bakit 2020 nandiyan pa rin?” ani Espenido. 

Mariing sinabi ni Espenido na malinis ang konsensiya niya at hindi siya natatakot sa mga nais sumira sa kanya.

Dagdag pa ni Espenido, bago pa man niya makilala si Pangulong Rodrigo Duterte ay aktibo na siya sa anti-drug campaign.

Binanggit niya na kabilang sa kanyang track record bilang pulis ang pagka-disband sa Espinosa Drug Group at ang pag-neutralize sa Ozamiz Group.

Bago ma-relieve si Espenido, nagbigay pa ito ng mga pahayag sa media na may ilang opisyal ng barangay, pulis at mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency na nasa drug watchlist.

Naging kontrobersiyal din siya dahil sa pahayag niya na “shabulized city” ang Bacolod pero hindi makapagbigay ng categorical statement ang opisyal kung sa paniwala niya’y may kinalaman sa kanyang kahuli-hulihang assignment ang pagkakatanggal sa kanya sa Bacolod City Police Office.

May 3 buwan lang si Espenido sa Bacolod.

Kasalukuyang naka-detail si Espenido sa Police Regional Office 6 sa Western Visayas.

Lumabas noong Pebrero 5 ang relief order ni Espenido pero Pebrero 7 na niya nalaman na na-relieve na siya sa kanyang opisina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.