PatrolPH

BASAHIN: Paano maiwawasto ang maling detalye sa birth certificate?

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 05:51 PM | Updated as of Feb 19 2020 06:15 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — May detalye ka ba sa birth certificate na nais mong ipabago? 

Sinagot ng isang kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa programang "Sakto" nitong Miyerkoles ang ilang karaniwang tanong tungkol sa pagpapalit ng maling datos na nilalaman ng birth certificate. 

Importante kasi umanong tama ang datos sa nasabing dokumento para walang gusot sa pagproseso ng iba pang papeles, gaya ng passport. 

Paano maiwawasto ang maling pangalan? 

Ayon kay Marissa Grande, pinuno ng PSA Civil Register Management Division, kinakailangan munang maghain ng "petition for administrative correction" ang aplikante. 

Isusumite ito at ang iba pang mga requirement sa Local City Registry Office (LCRO).

Kapag hindi na nakatira ang aplikante sa siyudad kung saan siya ipinanganak, kinakailangan pang maghain ng "migrant petition" kapag gagawin ito sa tinitirahang siyudad. 

"Halimbawa ngayon nasa Manila ka pero ipinanganak ka sa Cebu, puwede kang mag-avail ng migrant petition," ani Grande. 

Nasa P1,000 ang processing fee ng mga "correction of clerical error" habang P3,000 ang singil kapag babaguhin ang first name sa birth certificate. 

Puwede ba ipabago ang kasarian sa birth certificate? 

Isa rin sa karaniwang pinapabago ang kasarian sa birth certificate, na sinusundan din ang proseso sa pagpapabago ng pangalan.

Pero nilinaw ni Grande na para lang ito sa mga "typographical error" at hindi para sa mga sumasailalim sa sex change. 

Paano kapag nais sundan ang apelyido ng ama? 

Kung ginamit ng anak ang apelyido ng biological na ina at nais nitong sundan ang apelyido ng ama, maaaring mag-apply para sa supplemental report.

Ihahain lang ito sa LCRO at kung kasal ang mga magulang, dapat patunayang may kasalang nangyari sa pagitan nila. 

"Puwede gamitin 'yung last name ng tatay provided na acknowledged siya ng tatay niya, and then ipinanganak siya ng March 19, 2004 onwards," ani Grande. 

"Pero kung ipinanganak before ang family code (o kung ipinanganak mula) August 3, 1988 [hanggang] March 18, 2004 puwede pa rin i-acknowledge through affidavit of admission of paternity 'yon nga lang po hindi niya magagamit ang apelyido ng tatay niya," dagdag niya. 

Kung gusto namang ipagamit sa anak ang apelyido ng bagong asawa, maaaring mag-file ng adoption

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.