ALAMIN: Mga paghahanda kontra ASF

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 03:47 AM | Updated as of Feb 19 2020 04:25 AM

Kaniya-kaniyang paraan na ang mga rehiyon sa bansa upang maging ligtas laban sa banta ng African swine fever (ASF).

Nagpatupad ng selective ban ang Eastern Visayas upang maiwasan ang pagpasok ng ASF, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Halo sa temporary at total ban ng pagbili ng baboy mula sa mga apektadong lugar, partikular na sa Davao, ang mga bayan ngunit giit ng ahensiya na lubhang maaapektuhan nito ang ekonomiya lalo pa’t 70 hanggang 80 porsiyento ng baboy sa kanilang rehiyon ay kinukuha nila mula sa Mindanao kaya nila napili ang selective ban.

Tiniyak naman ng ahensya na dadaan sa tama at mabusising paraan ang pagpasok ng mga baboy galing sa ibang lugar. Hahanapan ang mga ito ng kumpletong dokumento ng mga quarantine officers, ayon kay Francis Rosaroso, Regional Information Officer ng DA.

Anim ang mga major port sa rehiyon na lalagyan ng mga checkpoint para masiguro na walang makakapasok na mga baboy na apektado ng ASF.

Sa pamumuno naman ng Provincial Veterinary Office ng Negros Occidental, nagtipon ang mahigit 800 paraveterinary worker mula sa 31 lungsod upang paigtingin ang kahandaan sa banta ng ASF. 

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Renante Decena, nagkasundo ang mga manggagawa na magdagdag ng mga tauhan sa mga checkpoints sa Kabankalan City at bayan ng Hinobaan dahil dito palaging pumapasok ang produktong galing ng Negros Oriental. 

Dagdag ni Decena, nangangamba sila na baka makapasok ang kontaminadong karneng baboy galing Mindanao dahil sa daungan ng barko sa Dumaguete City ito dumidirekta.

Noong nakaraang buwan, nagpalabas ng executive order ang tanggapan ng gobernador na nagpapatupad ng ban sa pagpasok ng pork meat products galing Region 11 matapos magkaroon ng positibong kaso ng ASF sa rehiyon.

Sa Barangay Lamanan, Davao City may 1,817 na mga baboy na ang na-depopulate habang 395 na hog raisers ang apektado. Nitong Martes pa natapos ang depopulation sa mga baboy at pinagpapatuloy ngayon ang disinfection.

"Sabi ng city veterinarian na 3 months pa bago sila magbabuyan muli pero kako 6 na buwan na lang para masiguro," ani chairman Nicanor Pepito.

Inaantay pa ng mga hog raisers ang financial assistance mula sa DA ngunit sabi naman ng lokal na pamahalaan ng Davao, nakapagbigay na sila ng financial assistance sa mga apektadong hog raisers.

Naghanap naman ng ibang pagkakakitaan ang mga hog raiser dahil bawal na ang mga alagang baboy sa kanilang lugar. 

Katulad na lamang ni Nora Natividad na nagbebenta na ngayon ng ulam sa labas ng paaralan at binalikan ang pagsasaka para sa pagpapaaral ng kanyang anak.

Ginamit naman ni Anthony Orayle ang financial assistance sa pagbayad ng utang at bumili na rin ng kambing at baka para alagaan at gawing alternatibong negosyo.-Ulat nina Clarabelle Cornelio, Mitch Miranda Lipa, at Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.