5 timbog sa drug buy-bust sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 05:29 AM

Limang miyembro umano ng isang sindikato ng droga ang inaresto sa isang buy-bust operation Martes ng gabi sa Barangay Pio del Pilar, Makati.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati Police, mailap ang grupo ng mga suspek na pinamumunuan ni alyas Cedie at umabot ng dalawang buwan ang naging surveillance ng pulis laban sa grupo.

Nakatakas man ang lider na alyas Cedie matapos ang transaksyon, nahuli naman sina alyas Arnel, 23, alyas Jomary, 24, alyas Joshua, 23, alyas Darryl, 24, at alyas Vince, 23 na umamin namang gumagamit ng ilegal na droga. 

Nakuha mula sa mga suspek ang 50 sachet ng hinihinalang marijuana na may timbang na mahigit 187 gramo at may street value na P30,000, kush na nagkakahalaga ng P12,000, 7 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P22,000. Mayroon ding nakuhang bala ng baril, digital weighing scale, at patalim. 

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, illegal possession of deadly weapon at illegal possession of firearms and ammunition ang isasampa sa mga suspek.-Ulat nina Anjo Bagaoisan at Fred Cipres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.