4 miyembro ng NPA, sumuko sa Davao City

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 11:27 PM

DAVAO CITY - Apat na miyembro ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) ang sumuko sa mga awtoridad sa Davao City Miyerkoles ng umaga.

Isang M-14, Garand rifle, landmine at mga bala din ang isinuko ng mga rebelde, na dating mga kasapi ng Front Committee 88 ng NPA na nag-ooperate sa Agusan del Sur at Davao de Oro.

Itinuro din ng mga ito sa awtoridad ang mga labi ng dalawang kasama nila na inilibing matapos mapatay sa isang engkwentro.

Isasailalim sa DNA testing ang dalawang bangkay para maiturn-over sa kanilang mga pamilya.

Isa sa surrenderees si "Ka Tiger" na 6 buwang nagsilbing political instructor ng komunistang grupo. Kasabay niyang sumuko ang kaniyang live-in partner at dalawang lalaking membro.

Ayon kay Ka Tiger, nagdesisyon siyang sumuko dahil sa hirap ng kalagayan nila sa bundok.

"Sa ilang taon, kahit minsan hindi ko nakita ang magulang ko. Pagod na rin ako tapos hirap sa pagkain, kahit damit namin napunit na," aniya sa bernakular.

Tiniyak ng Davao Region Police na tutulungan ang mga sumuko sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) at sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.