200-K pirma para sa ABS-CBN franchise renewal ibinigay sa mga kongresista

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 05:46 PM | Updated as of Feb 19 2020 07:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Hinimok ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mga mambabatas na isaalang-alang ang libo-libong manggagawa ng ABS-CBN sa pagpasya ng mga ito sa pagbibigay ng bagong prangkisa ng network.

Nagtungo sa Kamara ngayong Miyerkoles ang grupo para ibigay sa mga kongresista ang nasa 200,000 pirma na nakalap nila mula sa mga taong sumusuporta sa pagri-renew ng franchise ng Kapamilya network.

Target pa ng grupo na makalikom umano ng isang milyong pirma.

"The petition signing was started a month ago and we aim to gather more in the future until such time that the network's franchise issue is positively resolved," sabi ni NUJP Deputy Secretary General Raymund Villanueva.

"In urging Congress to pass ABS-CBN's franchise, we have it as paramount consideration the 11,000 or so media workers who are very anxious about their jobs," dagdag niya.

Hinikayat din ni Villanueva ang Kongreso na manatiling "independent" sa pagpapasya sa pag-renew ng franchise.

"We also urge Congress to be independent and not be influenced by efforts in the executive and judicial branches of government to deny the network of due process," ani Villanueva.

Magugunitang paulit-ulit na binabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano ay hindi pag-ere ng network sa mga campaign advertisement niya noong 2016 halalan. 

Nagbanta rin noon ang chief executive na haharangin ang pag-renew ng franchise ng kompanya, na nakatakdang mapaso sa Marso 2020.

Hiniling naman ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang nakikita niyang paglabag.

Si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, may-akda ng isa sa 11 ABS-CBN franchise bills na nakabinbin sa mababang kapulungan, ang tumanggap sa mga pirmang nakalap ng NUJP.

Muling humirit si Zarate na dinggin na ng House committee on legislative franchises ang mga panukala sa ABS-CBN franchise renewal bago mag-Lenten break ang Kongreso.

"If only we conducted a hearing and we call on these resource persons that can explain this fully and invite the [National Telecommunications Commission] and others, ngayon sana may kasagutan na sa maraming tanong at hindi nalalagay sa... alanganin ang lahat," sabi ni Zarate.

Nanawagan din si Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na dinggin na lang sa House committee on legislative franchises ang mga reklamo ng mga mambabatas, gaya umano ni House Speaker Alan Peter Cayetano, sa ABS-CBN.

"That can be threshed out in a hearing. Now if the Speaker has a personal experience then probably, he can also be there," ani Rodriguez.

Hindi dapat hayaan ng Kongreso na agawin ni Calida ang poder nito sa pagbibigay ng franchise.

Wala pa ring schedule ang Kamara kung kailan diringgin ang 11 panukalang batas na layong i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN sa House committee on legislative franchise.

May 3 linggo na lang bago mag-Lenten break ang Kongreso simula Marso 11.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Senado, nanawagan naman ang kaalyado at dating special assistant ni Pangulong Duterte na si Sen. Christopher "Bong" Go sa mga kongresista na simulan na ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN.

"Mas lalo nating pinapatagal, mas lalong umiinit 'yong isyu," ani Go.

"Pag-usapan niyo and then ipapadala dito and then the President will decide. Hayaan natin siya magdesisyon," dagdag ng senador.

Sa oras na iakyat ang panukala sa prangkisa sa Senado, tiniyak ni Go na ibabase niya sa konsensiya at interes ng mga Pilipino ang magiging boto niya rito.

Ganoon din aniya si Pangulong Duterte.

"Hindi naman siya (Duterte) vindictive pero parati niya sinasabi vote according to conscience and unahin natin ang Pilipino," ani Go. 

Tiwala rin si Go na papayagan din ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ABS-CBN na mag-operate habang hinihintay pa ang aksiyon ng Kongreso. Humihingi na rin aniya ng opinyon ang NTC sa Department of Justice ukol dito.

Pero ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na may akda ng ABS-CBN franchise bill sa Senado, dapat malinaw at may pormal na kasulatan ang Kongreso at NTC na nagsasaad na mananatiling bukas ang ABS-CBN kahit mapaso ang prangkisa nito matapos ang Marso.

"Kapag walang extension, lapse pa rin 'yan. Stop operation 'yan unless payagan sila ng NTC but that could be legally questioned as well... because there's no franchise to speak of," ani Recto.

Naniniwala si Recto na ginagawa lang ng ABS-CBN ang trabaho nito kahit minsan ay may mga nasasaktang tao sa mga balita at komentaryo nito.

"Here in the Senate, I think all of us natamaan na rin ng ABS-CBN. Wala naman dito, palagay ko, hindi natamaan din. But I don't think that's fatally defective on their franchise or for any other media network," ani Recto.

Sa Lunes, diringgin ng Senate committee on public services ang prangkisa ng ABS-CBN at iba pang media companies.

-- Ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.