PatrolPH

Natitirang 8 bihag ng NPA, pinalaya na sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 08:59 PM

Matapos ang 2 buwan, pinalaya na ng New People’s Army ang natitirang 8 nitong bihag sa bayan ng Bayugan, Agusan del Sur nitong Martes ng hapon.

Kinilala ang mga bihag na mga sundalo at miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na sina: Pfc. Darlino Carino Jr., Cpl. Eric Manangan, CAFGU Active Auxiliary (CAA) Abel Iligan, CAA James Iligan, CAA Gabriel Iligan, CAA Rolando Quiao, CAA Jan-Jan Iligan at CAA Jemuel Acibido.

Nabihag ang mga ito matapos ang raid ng mga rebelde sa CAFGU detachment sa New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur noong nakaraang taon.

Ayon kay Joaquin Jacinto, spokesperson ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nagpapatunay lang ito sa pagsuporta nila sa usaping pormal na negosasyon sa panig ng gobyerno ng Pilipinas at ng NDFP.

Una nang pinalaya ang ilang grupo sa mga CAFGU at sundalo noong Pebrero 14 sa Agusan del Sur at Lunes sa Agusan del Norte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.