PatrolPH

Lalaking 'ikinalat ang sex video' ng dating nobya, tiklo sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 02:53 PM | Updated as of Feb 19 2019 07:49 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATED) - Kalaboso sa Imus, Cavite ang isang 18 anyos na lalaki dahil sa umano’y pananakot sa kaniyang girlfriend na ikakalat ang kanilang sex video para hindi ito makipaghiwalay.

Arestado habang nakikipag-date sa kasintahan ang 18 anyos na suspek na si alyas "Joaquin" sa tapat ng isang fast food chain sa Imus noong Lunes.

Mismong ang kasintahan na si alyas "Megan" ang nagreklamo sa suspek ng pananakot at pagpapakalat ng kanilang maseselang video at larawan.

Kuwento ni Megan na matagal na niyang nais makipaghiwalay sa boyfriend pero hindi ito pumayag at sa halip ay tinakot umano siya ni Joaquin na ikakalat ang kanilang sex video sa social media kapag makipag-break ito.

Dating magkaklase raw sa junior high school sa Bacoor ang dalawa at naging magkasintahan noong 2016.

Hunyo 2017 daw naging malalim na ang kanilang relasyon at noon ay nais nang makipaghiwalay ng biktima subalit tinakot siya ng suspek na ikakalat ang kanilang sex video.

Nagtuloy-tuloy ang kanilang relasyon hanggang sa mangyari ang entrapment operation at umabot na sa punto na nagpadala umano si Joaquin ng maseselang retrato at video ng kaniyang kasintahan sa ibang kakilala.

"Sinend na niya sa classmates ko. Nagselos po siya, gusto niya pumunta ako sa bahay nila. Di ako pumunta. Doon nagsimula ang galit niya," ani Megan.

Dito na nagsumbong ang biktima sa mga pulis na agad nagkasa ng entrapment operation.

Mariing itinanggi ng suspek ang mga paratang. Aniya, hindi niya raw ito magagawa sa kaniyang kasintahan.

“Parehas po namin ginusto 'yun. Biktima lang din ako dito. Di ko po pinakalat ang video namin dalawa,” aniya.

Ipaghaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

-- Ulat nina Bianca Dava at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.