PatrolPH

Lalaki at kaibigan, inakusahan ng nobya ng 'panggagahasa'

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 04:09 PM | Updated as of Feb 19 2019 09:27 PM

Naaresto noong madaling araw ng Lunes ang dalawang lalaki sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte matapos ireklamo ng panggagahasa ng nobya ng isa sa kanila.

Kuwento ng biktimang si alyas "Maria," 19, dinala siya noong gabi ng Linggo ng kaniyang nobyo at ng kaibigan nito sa isang cottage at doon ginahasa.

Watch more on iWantTFC

Pumunta sila sa birthday party noong araw na iyon at nagpahatid siya sa kaniyang bahay pero sa cottage na siya dinala, ani "Maria."

Nakilala raw ni "Maria" ang nobyo nito lang Pebrero 1 sa social media.

Matapos gahasain, agad dumulog sa pulisya ang biktima at agad namang nagkasa ang mga ito ng follow-up operation laban sa mga suspek, ayon kay Chief Inspector Roldan Suitos, hepe ng Sarrat police.

May edad 19 at 22 ang dalawang suspek.

Dagdag pa ni Suitos, nakuhanan ng marijuana at shabu ang kaibigan ng nobyo ni "Maria" at nagpositibo rin sa drug test.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng medico legal ng biktima para pormal na makapagsampa ng kasong rape. Nahaharap naman ang isa sa mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dadaan sa counseling ang biktima.

-- Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.