Estudyante, 6 iba pa timbog sa droga sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 04:23 AM

DAVAO CITY - Timbog ang 7 katao, kabilang ang isang estudyante, sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Davao City Lunes ng gabi.

Nahuli ng mga pulis si alyas Rey sa buy-bust operation sa Magallanes St., Barangay 2-A. Nakuha sa kaniya ang P3,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Inamin ng suspek na nagtutulak siya ng droga. Galing pa umanong Davao del Norte ito.

Samantala, naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 5 katao sa isang umano'y drug den sa Father Selga St., Barangay 8-A.

Target ng operasyon si alyas Vin na umano'y sangkot sa pagtutulak. Kalaboso rin ang kaniyang kapatid at 3 iba pa. Pinabulaanan nila na sangkot sila sa ilegal na gawain.

Sa Barangay Licanan, Lasang, arestado ang isang estudyante matapos makuhanan ng marijuana sa checkpoint.

Nasamsam sa backpack ng suspek ang 8 gramo ng marijuana. Ginagamit umano niya ito para pampawala ng stress.

Mahaharap ang mga hinuli sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.