Dating MTRCB chair, nagsampa ng kaso vs QC vice mayor

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 01:07 AM | Updated as of Feb 19 2019 04:48 AM

MAYNILA (UPDATED) - Humarap sa media si dating Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairman Manuel "Manoling" Morato kasama ng mga kapatid nito para ilatag ang kanilang pagkadismaya sa sinapit ng kanilang ancestral house na na-demolish at ngayon ay tinatayuan ng isang 21 palapag na condominium.

Kasama ni Manoling ang mga kapatid na sina Teresita Morato Lazatin at Elvira Morato Cuenca na humarap sa media sa Consuelo Building na pag-aari ng kanilang pamilya.

Ayon kay Morato, pineke umano ng kaniyang bunsong kapatid na si Pepito o Jose Morato ang deed of absolute sale ng titulo ng ancestral house ng kanilang ina para maisalin ito sa kaniyang pangalan at maipagbili ito sa Sta. Lucia Land para maipatayo ang condominium.

Idinawit ni Morato ang mga magkapatid na Feliciano Isaac Belmonte at Juan Kevin Belmonte, mga kapatid ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, na may kinalaman umano para maisalin sa Sta. Lucia Land ang pagmamay-ari ng ancestral house ng kanilang pamilya.

Sa ancestral house na kung saan may 70 taon na ang tagal nito, ayon kay Morato, ay may historical value.

"Ito'y may batas na nagbabawal na magpagiba ka ng mga bahay na maituturing na may kasaysayan at itong bahay ng aming ina ay maitututring na isang heritage na," ani Morato.

April 2018 nang i-demolish ang kanilang ancestral house para magbigaydaan sa pagpapatayo ng condominium.

Nasa holographic will pa ng kanilang ina na si Don Consuelo Lim na hindi dapat maipagbili ang kanilang ancestral house dahil ito ay ibinigay sa kanila ng ama nito na si Tomas Morato, ang kauna-unahang alkalde ng Quezon City.

Sinampahan din ni Morato ng kasong administratibo si Vice Mayor Joy Belmonte sa tanggapan ng Ombudsman bilang presider ng Quezon City Council na siyang nagpasa ng Resolution No. 7176, Series 2017. 

Ang resolusyon ay nagbibigay ng pahintulot na maitayo ng Sta. Lucia Land ang kanilang Tribute Tower na 21 palapag sa isang residential area. Paglabag umano ito sa Quezon City Comprehensive Zoning Ordinance No. SP 918 S2000.

Pero pinaninidigan ng kampo ni vice mayor na wala siya sa konseho nang ipasa ito.

"Wala si Vice Mayor Joy Belmonte nang aprubahan ito ng Quezon City Council at hindi siya ang nag-preside," ani Atty. Ariel Inton, abogado ni Belmonte na hindi na humarap sa news team.

Dagdag pa ni Inton, dinismiss na ng Office of the City Prosecutor ang kaso laban sa mga kapatid ni vice mayor.

"Ngayon naman idinadawit niya si Vice Mayor Belmonte dahil binasura reklamo niya kaya inakyat naman niya ngayon sa Ombudsman. As far as I know, I'm not lawyering to Belmonte brothers, only to Vice Mayor Joy, pero walang kinalaman ang mga kapatid ni vice mayor sa kasong ito na isinampa ni Mr. Morato," ani Inton.

Samantala, nagsampa ng kasong libel si Belmonte laban kay Morato at dating congressman Antonio Lagdameo Jr. tungkol sa isang umano'y hindi makatotohanan at malisyosong artikulo.

Ang artikulo na may pamagat na "Joy Belmonte: Swak sa Graft" ay nailathala sa pahayagang Saksi: Mga Balitang Totoo Ngayon noong Pebrero 15.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Joel Amongo na nagsulat ng artikulo at Saksi publishers Antonio Lagdameo, Atty. Victor Rodriguez, Mina Satorre, Tess Sorsogon, Lito Tugadi, Jesus Galang, Eralyn Prado, Virgina Romano, at Ruben Banares.

“I am confident that I will be cleared of these false accusations, so I have filed the case to do justice to the truth and, more importantly, show that there is no space for 'fake news' and disinformation in Quezon City," pahayag ni Belmonte. - may ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.