Coast Guard station commander sa Puerto Princesa, arestado sa pangingikil

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 09:44 PM | Updated as of Feb 19 2019 11:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

PUERTO PRINCESA CITY - Arestado ang station commander ng Philippine Coast Guard sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa pangingikil umano sa isang mag-asawang negosyante.

Lumapit sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Puerto Princesa City ang mag-asawang sina Dirk at Jessica Haring para humingi ng tulong.

Ito'y matapos dalawang beses silang kinikikilan umano ng pera ni Ensign Allison Tindog.

Enero nitong taon nang magsimulang maglayag ang yateng pagmamay-ari ng mag-asawa. Ngunit hinuli sila ng Coast Guard dahil umano sa kakulangan sa papeles.

Pinagbayad ni Tindog ang mag-asawa ng P180,000 para sa kanilang paglabag. Natawaran nila ito at P80,000 na lamang ang ibinayad, ayon sa reklamong inihain laban sa opisyal.

Ipinagtaka ito ng mag-asawa dahil P10,000 lamang ang halagang nakalagay sa resibong ibinigay sa kanila.

Nitong Linggo, sinubukan muling maglayag ng mag-asawa dahil inakala nilang naayos na ang kanilang papeles.

Ngunit muli silang sinita ng Coast Guard dahil umano may kulang sa kanilang clearance. Muli silang hiningian ng P110,000.

Bumaba sa P50,000 ang ibinayad nila pero dito na sila nagdesisyong magsumbong sa NBI.

Nitong Martes, ikinasa ang entrapment operation sa mismong opisina ni Tindog kung saan nagkaabutan ng pera.

Wala nang nagawa si Tindog kundi sumama sa mga awtoridad. Sinubukan ng news team na kuhanan ito ng pahayag pero tumanggi ito.

Iginiit rin niya na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan sa panig niya at ng mag-asawa.

Maliban sa kasong extortion, haharap rin sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards from Public Officials and Employees si Tindog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.