Bahay, natupok sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 04:27 AM

MAYNILA - Nasunog ang isang bahay sa Sampaguita St., Barangka Drive, Mandaluyong City Martes ng madaling-araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog ala-1:30 ng madaling-araw sa bahay ng isang Raymond Liwanag. Naapula ito ng mga bombero matapos ang 30 minuto.

Kuwento ng residenteng si Adriana Matias, agad silang lumabas ng bahay dahil sa usok na nanggaling sa bahay ni Liwanag. 

Naiulat naman na nawawala si Liwanag. Nakita kasi ng mga residente na nakaparada sa tapat ng bahay ang isang motorsiklo na laging gamit nito.

Dumating din ang mga kaanak ni Liwanag at ayon sa kanila, hindi nila ito makontak. Nagpapatuloy ang search operation sa oras na ito.

Blanko pa ang BFP sa posibleng pinagmulan ng apoy, habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng natupok nito. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.