16 pamilya apektado ng sunog sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 02:06 PM | Updated as of Feb 19 2019 02:19 PM

Labing-anim na pamilya ang naapektuhan ng sunog na sumiklab sa isang residential area sa Caloocan City nitong umaga ng Martes.

Nagsimula ang sunog sa Natividad Street, Barangay 81 bandang alas-11:35 ng umaga sa bahay ng isang Victory Kho, base sa imbestigasyon ng Caloocan Fire District.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyang naapula alas-12:38 ng tanghali.

Walong bahay ang natupok matapos umanong mabilis na kumalat ang apoy.

Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi pero may isang residente ang nahimatay na agad nalapatan ng paunang lunas.

Tinatayang aabot sa P300,000 ang halaga ng pinsala.

Inaalam pa ang sanhi ng apoy.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.