1 patay, misis at 2 pa sugatan sa lalaking nag-amok sa salusalo

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 06:04 PM | Updated as of Feb 19 2019 09:22 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATED) Naaresto nitong Martes ang isang lalaki sa Marikina matapos pagsasaksakin ang asawa at tatlong kaanak.

Magkakaroon lang sana ng salusalo ang isang pamilya sa isang bahay sa Santa Teresita Village, Barangay Malanday bandang tanghali nang biglang nag-amok ang isa sa kanila. 

Sa hindi pa malamang dahilan, pinagsasaksak ni alyas "Kenneth" ang ilan sa mga naroon sa salusalo, kasama ang kanyang maybahay. 

Napatay ang isa sa mga tiyuhin dahil sa dami ng tinamong saksak.

Dumating ang mga pulis at nakipagnegosasyon pero kinandado ni "Kenneth" ang pinto ng bahay.

Nasa stable na kondisyon na ang iba pang mga sugatan, na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

May problema sa pag-iisip si "Kenneth," ayon sa ilang kaanak.

Sa ambush interview, sinabi ni "Kenneth" na hindi niya pinagsisisihan ang nagawa dahil may balak daw ang mga kaanak na patayin siya.

Sinailalim na rin si "Kenneth" sa psychiatric evaluation, ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro.

Nakuha kay "Kenneth" — na kasalukuyang nasa tanggapan ng Marikina police — ang kitchen knife at butcher knife na ginamit sa pananaksak.

Hindi muna nagkomento ang pamilya kung sasampahan ng kaso si "Kenneth." 

Sasailalim naman sa debriefing ang mga kaanak lalo na ang mga batang nakita ang buong pangyayari sa tahanan.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.