Vice mayor na abogado ni Kerwin Espinosa, patay sa ambush

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 07:15 PM | Updated as of Sep 03 2019 12:50 PM

Nakapanayam pa si Ronda, Cebu Vice Mayor Atty. Jonah John Ungab ukol sa kaso ni Kerwin Espinosa bago tinambangan ang bise alkalde sa labas ng korte.

Patay sa pananambang nitong Lunes ang vice mayor ng Ronda, Cebu na siya ring abogado ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa.

Kalalabas lang ng Cebu City Regional Trial Court (RTC) ng bise alkalde at abogadong si Jonah John Ungab nang pagbabarilin ng dalawang gunman na nakamotorsiklo ang sasakyang minamaneho ng biktima.

Kagagaling din lang ni Ungab sa promulgation ng kasong illegal possession of firearms ng kliyenteng si Espinosa.

Ayon kay Senior Police Officer I Winston Ybañez, imbestigador ng Cebu City Police Office homicide section, paliko na sana sa isang eskinita ang sasakyan ni Ungab nang lapitan ng gunmen at paulanan ng bala.

Naisugod pa sa ospital si Ungab na napuruhan sa ulo, pero bandang alas-2 nitong hapon, binawian ng buhay ang biktima. 

Sugatan naman ang isang driver nang mauntog ang ulo sa manibela matapos mabangga ang kaniyang minamanehong taxi sa sasakyan ni Ungab.

Bago ang pananambang, nakapanayam pa si Ungab ng media at ipinaliwanag pa niya ang kahalagahan ng ipinakita nila sa korte na sertipikong nagpapatunay na lisensiyado ang armas ni Espinosa.

Sinabi pa ni Ungab na mahina ang ebidensiya laban kay Espinosa kaya pinawalang-sala ng RTC Branch 23 si Espinosa sa kasong nag-ugat sa buy-bust operation noong 2010 kung kailan nakumpiska kay Espinosa ang kalibre .45 na baril.

Watch more in iWantTFC

Gayunman, sinabi rin ng korte na lumabag pa rin si Espinosa sa Comelec gun ban.

Ayon kay Ybañez, malaki ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Ungab.

Bago rin ang pananambang, sinabi pa ni Ungab na subsob na siya sa paghahanda sa iba pang kaso ni Espinosa.

Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines-Cebu Chapter ang pagpaslang sa abogado.

-- Ulat nina Joworski Alipon at Angie Saniel, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.