'Talakbu' modus? Magtataho, 'nagpabundol' sa SUV

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 01:05 PM | Updated as of Sep 26 2018 03:39 PM

Isa na namang SUV ang tila nakabundol ng lalaking may lakong taho sa Tondo nitong Sabado.

Nakuhanan sa CCTV ang tila pag-aabang ng isang magtataho para makatawid ito sa Moriones street bago mag-alas-8 Sabado ng gabi.

Mapapanood na ilang beses walang dumaan na sasakyan pero hindi tumawid ang lalaki. Makikitang nang humakbang naman ito patawid ay saka tumama siya sa gilid ng isang SUV.

Pumihit ang lalaki bago ito bumagsak sa kalye. Natapon sa kalsada ang dala nitong taho. Gumulong-gulong pa ang lalaking nabundol.

Napatigil agad ang SUV at pinaligiran ng mga tao ang magtataho para makatulong.

Binigyan umano ng driver ang lalaki ng P500 dahil sa natapon nitong paninda.

Naghinala naman ang isang barangay kagawad na modus lang ang umano'y pagkakabundol nang manghingi lang umano ng pera ang magtataho sa driver, imbes na magpatakbo ito sa pagamutan.

"Normally 'pag naaksidente kang ganyan, siyempre magpapa-medical ka. In-inform ko agad 'yung driver kung gusto review-hin niyo muna 'yung CCTV. Alam ko nang baka peperahan siya para hindi naman siya kawawa," ani Lea Chua, kagawad ng Brgy. 6, Zone 1.

Pina-blotter na lang sa barangay ang insidente matapos mapanood ng driver ang kuha ng CCTV at pinauwi na lang ang magtataho.

Nito lamang Disyembre, nag-viral din sa social media ang dashcam video ng pagbangga rin ng kotse sa isang lalaking may lakong taho sa Quezon City na pinaghihinalaang modus.

Nito ring nakaraang linggo, nakunan din ng CCTV ang pagpapanggap ng isang lalaki na nasagasaan ng AUV sa isang kalye sa Imus, Cavite para maabutan ng pera ng babaeng driver ng sasakyan.

Watch more in iWant or iWantTFC

TALAKBU MODUS

Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na hindi aksidente ang nangyaring umano'y sinadyang pagpapabundol sa magtataho noong Disyembre. Sa halip ay isang modus na tinatawag na "taho-lako-bundol" o "talakbu."

"Very cheap 'yong kaniyang choreography kasi napansin ko, kung tatawid siya ng kalsada, sana tumawid na agad," ani Chief Inspector Bryan Gregorio, criminologist ng PNP Public Information Office.

"Hindi agad siya tumawid, pero nagdahan-dahan siyang gumitna," dagdag ng pulis.

Dagdag niya, kapansin-pansin din umano na kakaiba ang pagtilapon ng lalaki.

"'Yong ginawa niya has violated the law of physics. Kung ikaw ay nabunggo, your movement must be either forward or sideways," ani Gregorio.
 
Paalala naman ng awtoridad sa mga motorista na subukang makahanap ng CCTV footage ng pangyayari o magpakabit na rin ng dash cam para hindi agad maloko.

Magpatulong din muna sa mga taga-barangay o pulis kapag nasangkot sa banggaan.