Show-cause order laban sa mga istruktura sa Boracay forest land inilabas

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 04:39 PM | Updated as of Sep 26 2018 04:42 PM

Naglabas na ng show-cause order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa mga istrukturang nakatayo sa forest land ng Boracay Island.

Nitong Lunes, nagsimula nang mag-ikot ang mga kawani ng DENR sa 3 barangay sa isla para mamigay ng show-cause order.

Sa wetland area ng Sitio Cagban sa Barangay Mano-manoc, naabutan pa ng grupo ang ilang lalaking pumuputol ng natumbang kahoy.

Bukod sa pagputol ng kahoy, nadiskubre rin ang pagtambak ng lupa sa dinadaluyan ng tubig kapag malakas ang ulan.

"Declare[d] na kasi ito na wetland. Wetland 82. So 'yun nga dapat kung pwede, hindi na dapat magalaw 'yan kasi classified as wetland na 'yan," paliwanag ni Kagawad Edwin Martin.

Isa si Rodolfo Antonio sa mga nakatira sa lugar. Mahigit 20 taon na siyang naninirahan dito. Wala siyang hawak na titulo, at tanging tax declaration lamang ang mayroon siya.

Aniya, handa naman siyang umalis kung ipag-utos ito ng pamahalaan.

Masama naman ang loob ng mag-asawang Ostan nang matanggap ang show-cause order.

Isinisisi nila sa pamahalaan ang kanilang magiging kapalaran kapag pinaalis sila sa kanilang bahay.

"Kaya dapat sana noon pa nag-order na 'yung DENR na ganito. Ang mahirap lang kasi sa kanila, ganito na 'yung Boracay, naging tourist spot na, kukunin na nila," ani Argie Ostan.

Aabot sa mahigit 800 istruktura sa isla ang lumabag sa Revised Forestry Code of the Philippines, ang batas na nagbabawal sa pag-okupa, pagpapatayo ng istruktura at iba pang gawain sa mga kagubatan.

Bibigyan ng 15 araw ang mga nakatanggap ng show-cause order para magpresenta ng kanilang dokumento ng pagmamay-ari ng lupa.

Kapag wala silang naipakitang papeles, i-uutos ng DENR na umalis sila sa lugar.

Samantala, patuloy pa rin ang pagdating ng mga turista sa isla.

Sa huling tala ng Caticlan Jetty Port, nasa 114,467 na turista ang pumasok sa Boracay mula Pebrero 1 hanggang 18.

Nitong Lunes, dumaong sa isla ang cruise ship na Celebrity Constellation, lulan ang 2,500 turista mula sa iba't ibang bansa.

Sa darating na Miyerkules at Huwebes, inaasahang dadaong ang 2 pang malalaking cruise ship sa Boracay.

Sakay naman nito ang aabot sa 4,000 mga turista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.