Pulis, binaril ng 'nakaalitang' misis, patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2018 06:34 PM

Dead on the spot ang isang pulis matapos pagbabarilin umano ng sariling misis sa loob ng kanilang bahay sa Pook Pag-asa, Barangay Batasan Hills, Quezon City nitong Lunes.

Tinukoy ang biktima bilang si Police Officer II Angelo Capili, nakadestino sa Quezon City Police District (QCPD) Station 5.

Kasalukuyang nasa Women and Children Protection Center ng QCPD naman ang suspek na si Josan Capili.

Dalawang 9mm na baril at anim na basyo ang nakuha sa crime scene. 

Isa rito ang service firearm ng pulis, pero susuriin pa kung alin ang ginamit sa pamamaril ng kaniyang misis.

Ayon sa hepe ng QCPD na si Rossel Cejas, alitang mag-asawa ang tinitingnang motibo sa pamamaril.

"Prior to the incident, mayroon na silang mga pagtatalo. Personal kaya hindi natin mare-reveal," ani Cejas. "Sila lang ang nasa bahay, ang mga anak nila, [nasa] labas, naglalaro."

Higit pitong taon nang kasal sina PO2 Angelo at Josan.

Mayroon silang tatlong anak, edad dalawa, lima, at pito.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.